November 02, 2012

ANG PAG-SAKAY NG JEEP AY ISANG ADVENTURE


6:32pm
Nagmamadali ako. Dalawang tao na lang at aandar na ang jeep. Nagmadali ako, naunahan ng isang ale, may kasabay pa kong isang lalaki pero ako ang nauna sa kanya. Swerte!

Mainit at siksikan sa loob ng jeep, tumutulo ang pawis ko. Umandar na nga ang jeep nang biglang may pasaherong bumaba kaaagad pagka-lampas pa lamang ng isang kanto. Sayang naman ang P8.00, kayang-kaya lakarin, e. Kung ano talagang rason niya kung ba't ba siya nag-jeep, hindi ko alam. Baka sobrang yaman niya lang at gusto mag-aksaya ng pera. Pero kung mayaman nga siya, bakit nagko-commute siya? Ah, ewan.

Ilang kanto pa ang nalagpasan, bago tumawid ng intersection, may lalaking ugod-ugod at di makapag-lakad ng diretso (hindi ko alam kung lasing o nabugbog) na inaakay ng dalawa pang lalaki (hindi ako sigurado kung mga kasama silang nag-inom o sila ang mga nambugbog).  Maaaring wala akong tama sa kahit dalawang hinala ko, pero kung may tama man ako, tingin ko ang puno't dulo ay babae: iniwan siya o namilit.

Ilang kanto ulit ang nalagpasan, ingay ng tambol ang maririnig. Kaya naman pala traffic! May prosisyon na dahan-dahang naglalakad na parang hindi two-way ang dinaraanan nilang kalye ng mga sasakyan. Baka mas lalo silang pag-papalain  kung mabagal at focused lang ang lakad.

Ilang kanto pa bago ang babaan ko, may matanda at binatang naka-posas. Sweet nila, tag-isang kamay sa iisang posas. Kakababa lang nila ng pedicab at tinutulak ng isang pulis na macho man papasok ng police station. Suspetsa ko, nag-suntukan ‘yung dalawa, okaya nag-nakaw. ng wala sa oras. Ang ang-aga pa kasi. Bulilyaso!

Isang kanto pag-lampas ng police station nang biglang solidong tumaob ang isang bisikleta, kawawa naman ang mga kalapating naka-kulong, nadaganan nang buong-buo nung bike. Tsk tsk tsk! Pabaya ang may-ari ng bisikleta pati na din ang may-ari ng kalapati.

6:40pm
Astig! Sa isang diretsong daanan at biyahe ng jeep, 8 minutong byahe, napaka daming nangyari.

Di ko akalain na parte ako ng mga pangyayaring to. Kakaiba talaga ang mundo, madaming puwedeng mangyari sa kaunting oras.

'Yun lang naman ang gusto kong sabihin dito, 'wag tayong mag-aksaya ng oras. Haha. Napaka-daming pwedeng mangyari, kung may mangyari man na pangit sa'yo ngayon, mas madaming pang oras at panahon na maganda naman ang mangyayarii.

No comments:

Post a Comment